Maikling training camp sa Pinas, nais ni Roach kay Pacquiao

Longtime cornerman Freddie Roach at eight-division champion Manny Pacquiao. Philstar.com/AJ Bolando, file

MANILA, Philippines – Kung si Freddie Roach ang masusunod, nais niya na dalhin kaagad si eight-division champion Manny Pacquiao sa Amerika upang maghanda sa darating na laban.

Sinabi ni Roach kay Steve Kim ng boxingscene.com na nakatada niyang puntahan si Pacquiao dito sa Pilipinas sa Pebrero 14 upang simulan ang kanilang paghahanda kontra kay Timothy Bradley.

Alam niya na hindi ito magiging madali lalo na’t pinaghahandaan din ni Pacquiao ang darating na eleksyon sa Mayo 9 kung saan tumatakbo ang Pinoy boxer bilang senador.

“We're trying to make it (Philippine camp) as short as possible but right now, I know Manny's still campaigning to be the senator a little bit. But I'm going to try to bring him back here (US) as soon as possible,” wika ni Roach.

Nais din ng longtime trainer ni Pacquiao na makapag-sparring na ang Filipino boxing icon sa kaniyang Wild Card Gym sa Los Angeles, ngunit kung hindi ito mangyari ay ang mga sparringmates na lamang ang pupunta ng Pilipinas.

Ilan sa mga maaaring makasama sa ensayo ni Pacquiao ay sina Frankie Gomez at Jose Ramirez na kapwa wala pang talo sa lightweight division.

Kung sakaling mapahaba ang training camp ni Pacquiao sa Pilipinas, sinabi ni Roach na nakahanda rin naman siya para rito.

“It's the usual thing Manny likes to do. We usually spend time in the Philippines for two or three weeks and then come the last four weeks here in LA.”

Show comments