MANILA, Philippines – Nasungkit ni Dennis Orcollo ang kanyang unang titulo sa taong ito matapos pagharian ang 2016 Derby City Classic 14.1 George Fels Memorial Straight Pool Challenge na ginanap sa Elizabeth sa Indiana, United States.
Isang matikas na ratsada ang inilatag ni Orcollo sa finals nang ilampaso nito si John Schmidt ng United States sa bisa ng 125-14 panalo upang matamis na angkinin ang kampeonato.
Ito ang ikalawang korona ni Orcollo sa naturang torneo matapos magkampeon noong 2014 edisyon.
Isang magandang regalo rin ito para kay Orcollo na nagdiwang ng kanyang ika-37 kaarawan noong Enero 28.
Nakapasok sa finals si Orcollo nang patalsikin nito sa semifinals ang Amerikanong si Mike Davis habang nanaig naman si Schmidt laban kay KonstanTin Stepanov ng Russia sa hiwalay na semis game.
Sa Derby City Classic Bigfoot 10-Ball Challenge, nagsosyo sa ikatlong puwesto sina Efren ‘Bata’ Reyes at Dennis Orcollo matapos matalo sa semis.
Hindi umubra ang mahika ni Reyes kay Jayson Shaw ng Great Britain nang lumasap ito ng 8-11 kabiguan habang natalo naman si Orcollo kay Shane Van Boening ng United States, 9-11.
Nakapasok si Reyes sa Final Four nang patalsikin nito sina Darren Appleton ng Great Britain sa first round, 11-9 at Django Bustamante sa quarterfinals, 11-7.
Si Orcollo naman ay namayani laban kina Carlo Biado sa first round, 11-10 at Lee Van Corteza sa quarterfinals, 11-7.
Sa 9-Ball Banks Division, nagkasya sa ikaapat na puwesto si Orcollo sa likod nina John Brumback ng United States (champion), Shaw (runner-up) at Alex Olinger ng United States (third place).