Aguilas naisahan ng Wangs sa OT

Laro sa Martes (The Arena, San Juan)

2 p.m. Phoenix Petroleum-FEU vs AMA University

4 p.m. Caida Tile vs Wangs Basketball

 

MANILA, Philippines – Bumangon ang Wangs Basketball mula sa 18 puntos na pagkakalugmok upang hatakin ang 97-88 overtime win laban sa Mindanao Aguilas sa 2016 PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena.

Pinangunahan ni Gwy­ne Capacio ang matikas na pagresbak ng Wangs nang isalpak nito ang 17 puntos sa ikaapat na kanto at extra period para tulungan ang Couriers na makuha ang panalo.

Humakot ng kabuuang 23 puntos si Capacio kasama ang anim na rebounds.

“Talagang malaking bagay siya sa team at kitang- kita naman kung paano siya nakatulong,” sambit ni Wangs coach Pablo Lucas.

Nakatuwang ni Capacio sina James Mangahas na may 18 puntos at 11 rebounds, Francis Munsayac na may 17 puntos at walong assists at Clark Bautista na may 16 puntos.

Nahulog sa 0-2 rekord ang Mindanao na naka­kuha ng 23 puntos mula kay Dexter Garcia at 18 buhat kay Ken Acibar.

Sa unang laro, inilampaso ng Cafe France ang BDO-National University, 110-86, para makisalo sa liderato tangan ang malinis na 2-0 rekord.

Kasama ng Cafe France sa unahan ng standings ang Caida Tiles at UP QRS/JAM Liner na may parehong 2-0 marka.

Lumasap naman ang Bulldogs ng ikalawang sunod na kabiguan.

Show comments