MANILA, Philippines – Patuloy ang pananalasa ng College of Saint Benilde nang pasadsarin nito ang San Sebastian College, 25-23, 21-25, 25-22, 25-16 upang makalapit sa inaasam na kampeonato sa National Collegiate Athletic Association Season 91 women’s volleyball finals sa The Arena sa San Juan City.
Balanseng opensa ang inilatag ng Lady BLazers sa pangunguna ni open hitter Janine Navarro na humugot ng 16 puntos mula sa 14 atake at dalawang aces
Naramdaman din ang puwersa nina middle blockers Jeanette Panaga at Ranya Musa na kapwa naglista ng tig-16 puntos.
Bukod sa malulutong na atake, solidong depensa rin ang ipinamalas ng Lady Blazers tampok ang 10 blocks, 35 digs at 17 receptions.
Isang panalo na lamang ang kakailanganin ng Lady Blazers upang makuha ang kanilang unang kampeonato sa liga.
Sa men’s division, naipuwersa ng University of Perpetual Help System Dalta ang do-or-die match matapos pigilan ang nagdedepensang Emilio Aguinaldo College (EAC), 20-25, 25-21, 25-20, 25-19 sa Game 2 ng kanilang best-of-three championship showdown.
Sa juniors, matamis na nasungkit ng Perpetual Help ang ikalawang sunod na kampeonato nang pasukuin ang EAC, 25-21, 22-25, 19-25, 25-16, 15-11, sa Game 2 ng kanilang best-of-three series.
Bumandera sina Dawin Salopaso at Jody Margaux Severo nang umiskor ito ng tig-17 puntos.