MIS ng SBP members ipinasusumite na ni MVP

MANILA, Philippines – Hinikayat ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, sa pangunguna ni president Manny V. Pangilinan, ang lahat ng national members na magsumite ng kanilang updated Membership Information Sheet (MIS) kasama ang iba pang dokumento na nagpapatunay na nakapagdaos sila ng kinakailangang bilang ng torneo sa loob ng dalawang taon.

Ito ay bilang paghahanda para sa darating na SBP general elections sa April.

Inihayag na ni Pangilinan, ang chairman ng PLDT at Smart, sa isang press conference noong October na magbibitiw na siya sa kanyang puwesto matapos ang dalawang termino kasama ang 12 pang SBP officials.

Ang SBP ay nasa gitna ng pag-oorganisa para sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa July matapos mapili ng FIBA bilang host country kasama ang Turin (Italy) at Belgrade (Serbia).

Ang draws para sa 18-team competition kung saan ang tatlong magkakampeon ang makakalaro sa 2016 Rio de Janeiro Olympic Games ay nakatakda sa Martes sa House of Basketball sa Mies, Switzerland.

Ang lahat ng requirements ay maaaring isumite sa Nominations and Membership Committee sa SBP office sa ground floor, Philippine Sports Commission Building A, Philsports Complex, Meralco Avenue, Pasig City 1604 hanggang sa Enero 25.

 

Show comments