MANILA, Philippines - Ipinalasap ng College of Saint Benilde ang unang kabiguan sa San Sebastian College matapos itarak ang 24-26, 25-21, 25-19, 25-13 panalo sa Game 1 ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) women’s volleyball finals sa The Arena sa San Juan City.
Nagpasabog si middler blocker Jeanette Panaga ng 23 puntos mula sa siyam sa attack line, walo sa block at anim sa service area upang banderahan ang Lady Blazers sa panalo.
Malakas na suporta rin ang ibinigay ni Janine Navarro na pumalo ng 19 puntos gayundin si Rayna Musa na nagdagdag ng 10 puntos at si Djanel Welch Cheng na umiskor ng 25 impresibong sets.
Gayunpaman, mangangailangan pa ang St. Benilde ng dalawa pang panalo bago makuha ang kanilang unang titulo sa liga dahil ang San Sebastian ay may tangan na thrice-to-beat advantage sa serye.
Bumanat ng 27 puntos si reigning Most Valuable Player Grethcel Soltones subalit bigo itong makakuha ng sapat na suporta mula sa kanyang mga katropa kasabay pa ang kabi-kabilang errors na umabot sa 35.
Sa men’s division, nakalapit sa inaasam na ikalawang sunod na kampeonato ang Emilio Aguinaldo College matapos igupo ang University of Perpetual Help System Dalta, 25-22, 14-25, 25-14, 25-16, sa Game 1.
Nagpasabog si reigning MVP Howard Mojica ng 22 puntos tampok ang apat na blocks habang nagrehistro sina Hariel Doguna at Kerth Melliza ng tig-12 puntos para dalhin ang Generals sa 1-0 abante sa kanilang best-of-three championship series.
“Gusto ko lang makapuntos para tulungan ang team na makuha ang panalo. Sa second set medyo down kami. Sinabihan kami ni coach na mag-regroup kami. Hindi kami pwedeng maglaro ng ganun kung gusto naming manalo,” ani Mojica.
Sa juniors division, mabilis na dinispatsa ng Perpetual Help ang EAC, 25-13, 25-18, 25-16, upang makuha ang 1-0 bentahe sa kanilang sariling best-of-three series.
Humataw si team captain Jody Margaux Severo ng anim na atake apat na blocks at isang ace para sa Junior Altas.