Heat sinilaban ng triple-double ni Westbrook
OKLAHOMA CITY-- Muling nagposte si guard Russell Westbrook ng triple-double at kagaya ng inaasahan ay nanalo ang Thunder.
Itinala ni Westbrook ang kanyang pangalawang sunod na triple-double para tulungan ang Oklahoma City sa 99-74 paggiba sa Miami Heat.
Humakot ang explosive point guard ng 13 points, 15 assists at 10 rebounds para sa kanyang pang-limang triple-double sa season at ika-24 kanyang career.
May 20-4 record ang Thunder kapag gumagawa si Westbrook ng triple-double at 5-0 ngayong season.
“It just means that it’s great that we’re having good wins,” wika ni Westbrook. “We’re playing together as a team, moving in the right direction on both sides of the floor.”
Tumapos naman si Thunder forward Kevin Durant na may 24 points at 10 rebounds, habang nag-ambag si Serge Ibaka ng 19 points kasunod ang 18 ni Dion Waiters.
Ang Thunder ang naging ikatlong koponan na nakapaglista ng 30 panalo ngayong season.
Pinamunuan ni Dwyane Wade, hindi naglaro noong Biyernes kontra sa Denver Nuggets dahil sa shoulder soreness, ang Heat sa kanyang 22 points.
Ipinagdiwang ni Wade ang kanyang ika-34 kaarawan.
Nagdagdag naman si Hassan Whiteside ng 14 points, 11 rebounds at 4 blocks para sa Miami.
Kinuha ng Oklahoma City ang 44-42 abante sa halftime sa likod ng 15 points at 9 rebounds ni Durant, habang may 18 markers si Wade sa panig ng Miami.
Nagtuwang sina Durant, Ibaka at Westbrook para ilayo ang Thunder sa 66-50 sa third period at hindi na nilingon ang Heat.
- Latest