MANILA, Philippines – Matapos noong 2014 ay muling magkikita sina Manny Pacquiao at Timothy Bradley sa susunod na linggo sa Los Angeles at New York para sa press conferences ng kanilang ikatlong laban sa Abril 9.
Ang nasabing two-leg press tour ang magsisilbing farewell tour para kay Pacquiao, magtutungo sa US sa Lunes.
Sa Enero 19 ay magtatagpo sina Pacquiao at Bradley sa Crystal Ballroom ng famous Beverly Hills Hotel sa Sunset Blvd. sa California kung saan magtitipon ang mediamen.
Kinabukasan ay sasakay naman si Pacquiao at ang kanyang grupo sa isang commercial flight patungo sa New York para sa ikalawang press conference sa Enero 21 sa Madison Square Garden.
Sasagutin ni Pacquiao ang mga tanong kaugnaysa ikatlo niyang pagharap kay Bradley at ang plano niyang pagreretiro matapos ang 20 taon sa boxing.
Maaari ring mabanggit ang pangalan ni Floyd Mayweather Jr. na tumalo kay Pacquiao noong Mayo 2.
Sa nasabing press tour ay makakasama ang trainer ni Pacquiao na si Freddie Roach at ang trainer ni Bradley na si Teddy Atlas bukod pa kay promoter Bob Arum.
Naniniwala si Arum na may sapat pang panahon para makuha ang interes ng mga boxing fans para panoorin ang trilogy nina Pacquiao at Bradley.
Matapos ang naturang press tour ay magsisimula nang maghanda sina Pacquiao at Bradley para sa kanilang WBO welterweight title fight.
Samantala, hindi si Manny Pacquiao o sina promoter Bob Arum at trainer Freddie Roach ang ayaw maitakda ang laban kay Amir Khan.
Sa isang panayam, sinabi ni Roach na ang HBO, nagsasaere ng mga boxing fights sa pay-per-view, ang hindi pumayag na maplantsa ang bakbakan nina Pacquiao at Khan.
“The thing is he’s not a big pay-per-view draw,” wika ni Roach kay Khan sa pahayag niya sa Boxing News. “We had talks about him and I know him very well, he’s a good boxer. His speed would give anyone in the world trouble, he’s a very good fighter, but his name got thrown out very, very quickly by HBO. HBO didn’t want that fight.”