Heavy favorite ulit si Manny Pacquiao sa ikatlong laban niya kay Timothy Bradley.
Llamado.
Maagang lumabas ang odds o ang linya ng pustahan para sa April 9 na sagupaan ng dalawang boxers sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Ayon sa mga bookies sa America, -320 si Pacquiao at +240 si Bradley.
Ano ba ang ibig sabihin nito?
Sa -320 ang ibig sabihin ay kailangan mong tumaya ng $320 para lang manalo ng $100 kung kay Pacquiao ka.
At sa +240 naman, ang $100 mo ay tatama ng $240 kung kay Bradley ka.
Tayang mayaman ang kailangan dito kung Pacquiao ka. Dapat malaki ang itaya mo para naman maramdaman mo ang panalo.
Kung $300 lang ang itataya mo, itago mo na lang ang pera mo. Puwede ding humanap ka ng ibang pusta kagaya ng knockout o kaya naman ay draw.
Puwede ka ring pumili kung anong round ng knockout ang nakikita mo.
Dito malaki ang bigayan. Kunwari tumaya ka na patutulugin ni Pacquiao si Bradley sa first round, mahina na ang piso mo tamang sinkwenta.
May pustahan din kung matatapos ang buong 12 rounds o hindi.
Dito madaming tumataya.
Nagbabago ang linya depende sa mga tayang papasok habang papalapit ang laban. Puwede pang lumaki ang odds para kay Pacquiao. Puwede ring dumikit si Bradley.
Online ang tayaan.
Kahit nasa Pilipinas ka, puwede kang tumaya kung may internet ka at credit card. Madaming nagpapataya.
Nagkalat sa internet.
Habang palapit na ang laban, bukas na rin ang tayaan sa mga casino sa Las Vegas.
Dito bumubuhos ang taya.