MANILA, Philippines – Higit sa 15,000 mananakbo ang inaasahang lalahok sa Condura Skyway Marathon 2016 Run For a Hero na pakakawalan sa Pebrero 7.
Mag-uumpisa ang benefit race sa ganap na alas-12 ng umaga sa Filinvest City, Alabang.
Kagaya noong nakaraang taon, ilalaan ng Condura ang pondong malilikom sa HERO (Help Educate and Rear Orphans) Foundation na nagbibigay tulong pinansiyal sa mga anak ng mga sundalong namatay habang nakikipagdigmaan o nagtamo ng kapansanan “in the line of duty.”
Noong isang taon ay nagbigay ng P1 milyon ang Condura sa HERO Foundation at umaasang matatapatan nila ito ngayong 2016.
Ang mga nais sumali o nais tumulong ay maaaring magrehistro online sa www.conduramarathon.com gamit ang prepaid card na mabibili sa mga sumusunod na outlet ng ASICS: Greenbelt 3 sa Makati City, Bonifacio High Street sa Taguig City, Trinoma Mall sa Quezon City; Centrio Mall sa Cagayan de Oro City; Ayala Fairveiw Terraces sa Quezon City, at Ayala Center sa Cebu City.
Ang entry fee ay P900 para sa 6K race, P1,000 para sa 10K, P1,700 para sa 21K at P2,000 para sa 42K full marathon.
Ang karerang ito ay itatakbo sa pakikipagtulungan sa ASICS at suportado ng Summit Natural Drinking Water, Gatorade, Filinvest City Alabang, Inc., LTime Studio, Blue Ant, Salonpas, GoPro, Urban Ashram at The Bellevue Manila
Para sa kumpletong detalye, ay maaring bumisita sa www.conduramarathon.com.