Thompson bida sa 5-dikit ng Warriors

PORTLAND, Ore. – Humataw si Klay Thompson ng 36 points, tampok dito ang pitong 3-poin­ters, para banderahan ang nagdedepensang Golden State Warriors sa 128-108 panalo laban sa Portland Trail Blazers.

Ito ang pang-limang sunod na ratsada ng Warriors.

Nagdagdag si reig­ning league MVP Stephen Curry ng 26 points at 9 assists sa loob ng tatlong quarters para sa Warriors (34-2) na lumamang ng 25 points at nagsalpak ng kabuuang 18 triples.

Tumapos naman si Draymond Green na may 11 points, 13 rebounds at 10 assists para sa kanyang pang-walong triple-double sa season.

Hindi pa natatalo ang Warriors simula nang malasap ang 91-114 kabiguan sa Dallas Mavericks noong Dec. 30.

Naglaro si Curry na may bruised left shin na nagpaupo sa kanya sa dalawang laro noong naka­raang buwan.

Lumala ang kanyang injury nang makabanggaan si Roy Hibbert noong Martes at hindi na nakalaro sa fourth quarter sa 109-98 panalo ng Warriors sa Los Angeles Lakers.

Nagtala naman si Damian Lillard  ng season-high 40 points at 10 assists sa panig ng Portland, nalasap ang kanilang ikatlong sunod na kamalasan.

Sa iba pang laro, tina­kasan ng San Antonio Spurs  ang New York Knicks, 100-99; tinalo ng Toronto Raptors ang Wa­shington Wizards, 97-88; dinaig ng Orlando Magic ang Brooklyn Nets, 83-77; pinatumba ng Memphis Grizzlies ang Denver Nuggets, 91-84; giniba ng Cleveland Cavaliers ang Minnesota Timberwolves, 125-99; binigo ng Indiana Pacers ang New Orleans Pelicans, 91-86; pinabagsak ng Miami Heat ang Phoenix Suns, 103-95; nilusutan ng Milwaukee Bucks ang Dallas Mave­ricks, 96-95 at hiniya ng Oklahoma City Thunder ang Los Angeles Lakers, 117-113.

Show comments