MANILA, Philippines – Pinangalanan ng Philippine Swimming League (PSL) ang unang walong atletang ipadadala nito sa 2015 Tokyo Invitational Swimming Championship na gaganapin sa Pebrero 4 hanggang 10 sa Japan.
Nangunguna sa listahan sina Swimmer of the Year candidates Sean Terence Zamora ng University of Santo Tomas, Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque at Marc Bryan Dula ng Weissenheimer Academy.
Kasama rin sa delegasyon sina Jux Keaton Solita ng UST, Lans Rawlin Donato ng University of the Philippines at Joey del Rosario ng De La Salle Santiago Zobel School gayundin sina Lowenstein Julian Lazaro at John Leo Paul Salibio.
“We might add more swimmers but so far, these are the qualified swimmers who will represent our country in the Japan competition. We are looking forward to win medals to jumpstart our campaign this year,” wika ni PSL President Susan Papa.
Sa 2015 Japan Invitational Swimming Championship noong Nobyembre, pinangunahan nina Mojdeh at Zamora ang kampanya ng PSL kung saan nag-uwi ang koponan ng kabuuang 19 ginto, 10 pilak at 10 tanso.
Humakot si Mojdeh ng limang ginto at isang pilak habang nakasiguro naman ng dalawang ginto, isang pilak at isang tanso si Zamora para kapwa tanghaling Most Outstanding Swimmer awardees sa kani-kanilang age band.
Umani naman si Dula ng isang ginto at apat na pilak na medalya sa 2015 Singapore Invitational Swimming Championship noong Setyembre para makuha rin ang Most Outstanding Swimmer trophy sa boys’ 8 year category.
“We are giving these kids proper exposures. High-level ang competitions sa Japan dahil malalakas ang mga kasali. Teams from China, United States, Great Britain, Netherlands, Germany and other European countries are expected to be there so we need to be ready,” dagdag ni Papa.
Sasailalim sa training camp ang mga atleta sa Diliman Preparatory School swimming pool sa Quezon City upang masiguro na handang-handa ang mga ito bago sumabak sa Japan competition.