PSL mas pinalaki at magarbo sa paglarga ng 2016 season
MANILA, Philippines – Mas magarbong bakbakan tampok ang pinakamahuhusay na volleyball players sa bansa ang inaasang masisilayan sa Philippine Superliga (PSL) sa susunod na taon, ayon sa mga organizers.
Sinabi ni PSL president Ramon Suzara na nais ng kanyang grupo na malampasan ang tagumpay ng liga ngayong 2015 kung saan maraming pagbabago ang ipinatupad kabilang na ang video challenge system.
Ang video challenge system na ginagamit sa malalaking international competitions, ay isang teknolohiya na ginagamit upang rebisahin ang isang tawag ng referee. May 25 high-definition cameras ang nakalagay sa iba’t ibang bahagi ng venue upang masiguro na makukuha nito ang bawat anggulo.
Ang PSL ang pinaka-unang club league sa Asya na gumamit ng naturang aparato na nagkakakahalaga ng P3 milyon.
Maliban sa video challenge system, nagpatupad rin ang PSL ng skort uniform na pinagsamang bestida at shorts na karaniwang ginagamit sa mga torneo sa Europa.
“We will pick up where we left off. We will continue to innovate in terms of uniforms, officiating and branding to further increase the level of volleyball in the country,” ani Suzara na siya ring chairman ng development and marketing committee ng Asian Volleyball Confederation (AVC).
Nais rin ng PSL na pag-isahin ang iba’t ibang grupo sa bansa upang maging solido ang programa para sa naturang sport partikular na sa pagbuo ng Pambansang koponang isasabak sa mga international tournaments.
Layon din ng PSL na bigyan ng sapat na kaalaman ang mga coaches at officials hinggil sa bagong mga patakarang ipinatutupad ng International Volleyball Federation sa pamamagitan ng pagtataguyod ng seminar upang makaagapay ang mga ito sa international standards.
“Making the PSL a family sport entertainment remains our top priority. We will make sure to come up with a more balanced field, unpredictable games, high-caliber players and intense action next year. It’s going to be a blast,” pagtatapos ni Suzara.
- Latest