Collegiate Yearender: Knights tinapos ang 10 taon na pagkauhaw sa NCAA title
MANILA, Philippines – Naibalik ng Colegio de San Juan de Letran ang ningning sa kanilang mga mata matapos masungkit ang kampeonato sa NCAA Season 91 men’s basketball upang matamis na tuldukan ang kanilang isang dekadang pagkauhaw sa titulo.
Ngunit hindi naging madali ang daang tinahak ng Letran bago makuha ang kanilang ika-17 titulo sa pinakamatandang liga sa bansa dahil kinailangan muna nitong dumaan sa butas na karayom bago alisan ng pangil ang San Beda College.
Nakuha ng Knights ang 2-1 panalo sa kanilang best-of-three championship series kung saan naitala nito ang 94-90 panalo sa Game 1 bago naitabla ng Red Lions ang serye bunsod ng 68-61 panalo sa Game 2.
Matinding pukpukan ang nasilayan sa Game 3 ngunit higit na lumutang ang determinasyon at puso ng Letran nang itarak nito ang 85-82 overtime win para tuluyang angkinin ang panalo.
Umusad sa finals ang Letran nang itakas nito ang pahirapang 91-90 pananaig kontra sa Mapua Institute of Technolgy, samantalang ang San Beda ay nagtala ng magaan na 78-68 panalo kontra naman sa Jose Rizal University sa kanya-kanyang Final Four games.
Itinanghal na Finals Most Valuable Player si Mark Cruz matapos magsumite ng average na 17.3 points, 6.3 rebounds, 4.3 assists at 3.0 steals sa serye.
Gayunpaman, hindi naging solido ang selebrasyon ng Letran nang magdesisyon si coach Aldin Ayo na iwanan ang Knights ilang linggo matapos ang kanilang matamis na tagumpay.
Kinuha si Ayo ng De La Salle University upang palitan ang dating mentor na si Juno Sauler sa susunod na edisyon ng UAAP.
Maliban kay Ayo, malaking kawalan din para sa Knights sina Cruz at Kevin Racal na natapos na ang kanilang playing years sa liga at kasalukuyan nang naglalaro sa PBA Philippine Cup. Si Cruz ay nasa Star Hotshots, habang si Racal ay bahagi na ng Alaska Aces.
Gumawa rin ng ingay si Nigerian Allwell Oraeme nang makuha ang Season MVP at Rookie of the Year awards para maging ikatlong manlalaro sa liga na nakakuha ng naturang mga parangal sa iisang taon.
Nauna nang nagawa ito nina Gabby Espinas ng Philippine Christian University (2004) at Sam Ekwe ng San Beda (2006).
Pasok sa Mythical Five sina Art Dela Cruz ng San Beda, Jiovanni Jalalon ng Arellano at sina Bright Akhuetie at Earl Scottie Thompson ng Perpetual Help.
Sa kabila ng mala-roller coaster na nangyari sa Letran, umaasa ang Knights na mas magiging determinado ang kanilang tropa na maipagtanggol ang titulo sa susunod na taon.
- Latest