MANILA, Philippines – Ilang oras bago sumapit ang Pasko ay pumanaw ang American legendary coach na si Ron Jacobs sa isang ospital sa Makati City.
Ipagdiriwang sana ni Jacobs, naging coach ng Philippine team simula noong 1981 hanggang 1986 kung saan niya nahawakan ang mga kagaya nina Allan Caidic, Samboy Lim, Hector Calma at sina naturalized players Chip Engelland, Jeff Moore at Dennis Still, ang kanyang ika-73 kaarawan bukas.
Naratay si Jacobs sa banig ng karamdaman matapos magkaroon ng stroke habang inihahanda ang Nationals para sa paglahok sa Asian Games noong 2002 sa Busan, South Korea.
Si assistant coach Jong Uichico, mentor ngayon ng Talk ‘N Text, ang pumalit kay Jacobs sa bench at muntik maigiya ang Philippine team sa gold medal round kundi lamang naipasok ni South Korean sniper Lee Sang Min ang kanyang krusyal na three-point shot sa semifinals.
Ang pagkakaroon ng matagumpay na basketball program sa Loyola Marymount noong 1980 ang nagtulak kay Philippine project director for basketball Ambassador Eduardo ‘Danding’ Cojuangco para kunin si Jacobs bilang coach ng national team noong 1981 dala ang pangalan ng Northern Consolidated Corp o NCC.
Tinulungan niya ang NCC sa paghahari noong 1981 Jones Cup bago talunin ang China sa finals sa sumunod na taon sa Smart Araneta Coliseum.
Noong 1985 ay ginulat naman ng NCC ang US squad na binabanderahan ng mga NCAA Division 1 players para angkinin ang korona ng Jones Cup.
Si Jacobs ang huling coach na nagbigay sa bansa ng titulo ng Asian Basketball Confederation (ABC) Championship, ngayon ay FIBA-Asia Championships, sa nasabi ring taon sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sumuong si Jacobs, produkto ng University of Southern California, sa PBA noong 1997 matapos palitan si Norman Black sa bench ng San Miguel.