MANILA, Philippines – Determinado ang Batang Pier na umabante sa semifinal round.
At kitang-kita ito ni coach Pido Jarencio sa mata ng kanyang mga players.
Sumandal ang No. 5 Globalport, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ bonus, kay scoring guard Terrence Romeo para kaagad sibakin ang No. 8 Barako Bull, 94-85, sa quarterfinal round ng 2015-2016 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumapos si Romeo na may 33 points, habang nagdagdag si Stanley Pringle ng 15 markers para sa pagpasok ng Batang Pier sa knockout stage.
“Gusto talaga nilang pumasok sa semis,” ani coach Pido Jarencio. “Hihintayin na lang namin kung sino manalo sa Ginebra and Star. Bakbakan sila dun.”
Ang mananalo sa pagitan ng No. 4 Barangay Ginebra, may hawak na ‘twice-to-beat’ advantage, at No. 9 Star ang lalabanan ng Globalport sa knockout phase kung saan ang magwawagi ang hahamon sa No. 1 Alaska sa semis.
Bumangon ang Batang Pier mula sa seven-point deficit sa halftime para sapawan ang Energy sa pamamagitan ng pagtatayo ng 10-point lead, 59-49, sa 6:35 minuto ng third period.
“Masyado kaming walang energy. Mabagal ang execution namin. Mabuti at naka-recover kami at nakapag-adjust sa second half,” wika ni Jarencio.
Muling nakadikit ang Globalport sa 73-77 agwat matapos ang basket ni JC Intal sa 5:36 minuto ng fourth quarter bago magpakawala ang Globalport ng 10-2 atake para iposte ang 12-point advantage, 87-75, sa huling 3:33 minuto.
Pinamunuan ni Willy Wilson ang Barako Bull sa kanyang 15 points kasunod ang tig-12 nina Eman Monfort at Josh Urbiztondo at 11 ni Intal.
Samantala, lalabanan naman ng No. 3 Rain or Shine ang No. 10 Blackwater ngayong alas-5:15 ng hapon matapos ang bakbakan ng No. 6 Talk ‘N Text at No. 7 NLEX sa alas-3 sa Mall of Asia Arena.
Parehong may taglay na ‘twice-to-beat’ advantage ang Painters at Texters.
Globalport 94 - Romeo 33, Pringle 15, Washington 9, Mamaril 8, Jensen 7, Sumang 6, Yeo 6, Kramer 4, Maierhofer 4, Semerad 2, Hayes 0, Isip 0, Uyloan 0.
Barako Bull 85 - Wilson 15, Monfort 12, Urbiztondo 12, Intal 11, Pennisi 9, Baracael 8, Brondial 8, Fortuna 4, Lanete 4, Sorongon 2.
Quarterscores: 21-25; 41-48; 69-64; 94-85.