MANILA, Philippines – Nagkasya sa pilak na medalya si Grandmaster (GM) Richard Bitoon matapos makalikom ng pitong puntos sa 2nd Johor International Chess Open na ginanap sa Johor Bahru City Square Office Tower sa Malaysia.
Nagtala si Bitoon ng anim na panalo at dalawang draw para masiguro ang ikalawang puwesto.
Sa katunayan, kasosyo ni Bitoon sa No. 2 spot si FIDE Master Dang Hoang Son ng Vietnam na umiskor din ng pitong puntos.
Subalit nakuha ng Pinoy master ang pilak dahil sa mas mataas na tiebreak points habang nagkasya sa tanso si Hoang Son.
Nasungkit ni International Master (IM) Ali Muhammad Lutfi ng Indonesia ang unang puwesto tangan ang 7.5 puntos mula sa anim na panalo at tatlong draw.
Kabilang sa mga tinalo ni Bitoon sina Zain Izzudin ng Brunei Darussalam sa first round, Niranjan Valagund ng India sa second round, IM Nguyen Van Hai ng Vietnam sa fifth round, Vo Than Ninh ng Vietnam sa sixth round, Hoang Son sa seventh round at GM Nguyen Duc Hoa ng Vietnam sa eighth round.
Naka-draw si Bitoon kina Lutfi sa third round at IM Narayanan Srinath ng Indonesia sa ninth round habang ang nag-iisang kabiguan nito ay mula sa kamay ni IM Mhamal Anurag ng India sa fourth round.
Magkasalo sa ika-10 puwesto ang iba pang Pinoy na sina IM Oliver Dimakiling at IM Haridas Pascua na may parehong naipong tig- 5.5 puntos habang ika-53 naman si Jelvis Calvelo na may tatlong puntos.