MANILA, Philippines – Napigilan ng University of Perpetual Help ang mainit na ratsada ng Lyceum of the Philippines University, 25-17, 23-25, 19-25, 25-18, 15-9 upang manatiling nakakapit sa solong liderato sa NCAA Season 91 men’s volleyball tournament sa Ninoy Aquino Stadium.
Nasungkit ng Altas ang ikaanim na sunod na panalo sa pangunguna ni Rey Taneo Jr. na humataw ng 17 puntos habang sumuporta sina Ranidean Philippe Abcede at Allan Jay Salaan na bumanat naman ng tig-14 puntos.
Matapos mahulog sa 1-2 pagkakabaon, agad na rumesponde sina Taneo, Abcede at Tanaan upang kubrahin ng Altas ang dalawang sunod na sets para maitakas ang come-from-behind win.
“The boys never gave up, that was the most important thing,” ani Perpetual Help coach Sammy Acaylar.
Bigo ang Lyceum na masundan ang kanilang 25-23, 14-25, 25-22, 18-25, 16-14 panalo laban sa defending champion Emilio Aguinaldo noong nakaraang linggo, para mahulog sa 3-4 baraha.
Ang Generals ay nasa ikalawang puwesto tangan ang 6-1 rekord.
Sa juniors’ division, nanatiling malinis ang rekord ng nagdedepensang Perpetual Help nang bombahin nito ang Lyceum, 25-10, 25-19, 25-17.
Umangat sa 4-0 rekord ang Baby Altas para higpitan ang kapit sa solong pamumuno.
Sumalo sa selebrasyon ang women’s team ng Perpetual Help matapos payukuin ang Lyceum sa bendisyon ng 18-25, 25-20, 25-15, 14-25, 15-11 panalo.
Napaganda ng Lady Altas ang baraha nito sa 4-2 upang mapalakas ang kanilang tansang umusad sa Final Four.