Nag-init si Thompson Warriors ibinalik sa porma
OAKLAND, California--Nagpasabog si Klay Thompson ng 27 sa kanyang season-high 43 points sa third quarter at bumangon ang Golden State Warriors mula sa kanilang kauna-unahang kabiguan matapos ang record na 24-0 start para talunin ang Phoenix Suns,128-103.
Nagdagdag si Stephen Curry ng 25 points mula sa 10-of-14 shooting bukod pa sa 7 assists sa pagbabalik ng Warriors sa kanilang tahanan matapos ang two-week road trip na nagtapos sa 95-108 kabiguan sa Milwaukee Bucks noong Sabado.
Nagwakas din ang 28-game overall winning streak ng Warriors, ang ikalawang pinakamahaba sa NBA history.
Humakot si Draymond Green ng 16 points, 11 rebounds at 10 assists para sa kanyang pang-apat na triple-double ngayong season, habang tumipa si Thompson ng 15-of-22 shots at 8-of-13 3-pointers para sa kanyang 40-point game ngayong season.
Ang pag-iinit ni Thompson sa third quarter ang muling nagpaalala sa kanyang NBA-record, 37-point outburst sa third quarter ng kanyang career-high, 52-point performance noong Jan. 23.
Ang 46-point third quarter ng Warriors ay ang pinakamalaking produksyon sa isang quarter sa NBA ngayong season.
Gumamit ang Warriors ng 58-19 run para kunin ang 96-61 abante buhat sa 38-42 pagkakaiwan sa first half
Sa Oklahoma, humataw si Kevin Durant ng 24 points para tulungan ang Thunder sa 106-90 victory laban sa Portland Trail Blazers at ilista ang kanilang ikaanim na sunod na panalo.
Nagposte si Durant ng 8-of-14 fieldgoal shooting bukod pa sa 8 rebounds at 4 assists sa paggiya sa anim pang Thunder players sa doubles figures, kasama si guard Dion Waiters na nagdagdag ng 18 points mula sa bench.
Sa iba pang results, tinalo ng Orlando ang Charlotte, 113-98; binigo ng Miami ang Brooklyn, 104-98; tinakasan ng Detroit ang Boston, 119-116 at dinaig ng New York ang Minnesota, 107-102.
- Latest