MANILA, Philippines – Bagama’t walang patakaran ang UAAP na nagbabawal sa mga koponan na kumuha ng foreign coach, handa pa rin ang Ateneo De Manila University na sumunod sa 2002 Court of Appeals ruling.
Sinabi kahapon ni Ateneo team manager Christopher Quimpo na susunod sila sa patakaran ng Basketball Coaches Association of the Philippines ukol sa kanilang paghugot kay American-Kiwi Tab Baldwin bilang head coach ng Blue Eagles.
Matatandaang nagbabala si BCAP president Alfrancis Chua sa Ateneo na hindi nila papayagan si Baldwin, coach ng Gilas Pilipinas, na maging mentor ng Blue Eagles.
Sinabi ni Chua na payag siyang makipag-usap sa Ateneo officials para ipaliwanag sa kanila ang umiiral na court ruling at makahanap ng magandang solusyon sa isyu kay Baldwin.
“This can be resolved through discussions and talks and I’m willing to sit down with them, make clarifications and explain everything,” sabi ni Chua.
Ayon naman kay Ricky Palou, ang kinatawan ng Ateneo sa UAAP board, kasalukuyan na silang naghahanap ng solusyon.
Hindi pa alam kung babawiin ng Ateneo ang pagkuha nila kay Baldwin bilang coach at sa halip ay gawin siyang team consultant kasabay ng pagluluklok sa isang Filipino coach.
Hindi pinayagan ng BCAP na maiupo ng Barako Bull at San Miguel bilang coach sina Serbian Rajko Toroman at American Todd Purves, ayon sa pagkakasunod.