Junior Altas inangkin ang liderato ng NCAA volleyball

MANILA, Philippines – Nasolo ng defending champion University of Perpe­tual Help ang solong liderato matapos malusutan ang Arellano University, 29-27, 25-17, 23-25, 17-25, 15-8, kahapon sa NCAA Season 91 juniors volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Nagbuhos ng matinding lakas si Ivan Encila nang itarak ang 21 puntos, habang sumuporta si Darwin Sa­lopaso na may 15 puntos para tulungan ang Junior Altas na makuha ang kanilang ikalawang sunod na pa­nalo.

Nagdagdag naman si Ryuji Condrad Etorma ng 14 at 11 mula kay team captain Jody Margaux Severo para sa Perpetual na natakasan ang 45 errors na kanilang naitala sa larong tumagal ng isang oras at 32 minuto.

“There are still things that we needed to work on. It’s not easy, but we’re getting there,” sambit ni Perpetual Help coach Sandy Rieta.

Nanguna para sa Braves sina Jesus Valdez at Al­dimal Waham na may tig-20 puntos subalit kinapos sa huling yugto ng laro upang malasap ng kanilang ko­ponan ang unang kabiguan.

Laglag sa 2-1 baraha ang Arellano para makasama sa ikalawang puwesto ang San Sebastian College na may parehong rekord.

Sa men’s division, pinasuko ng Perpetual Help ang Arellano, 25-21, 26-24, 25-22, upang manatiling malinis ang rekord tangan ang 3-0 baraha.

Nagtulung-tulong sina Rey Taneo, Jr., Bonjomar Cas­tel at Ranidean Phillipe Abcede na may pinagsama-samang 37 puntos sa hanay ng Altas.

Show comments