MANILA, Philippines – Matapos ang isang gabi at dalawang laro, muling binuhay ni tennis superstar Serena Williams ang kanyang pakikipagkaibigan sa mga Filipino sports fans sa 2015 IPTL Manila leg.
Nakipagtambal ang American superstar kay Fil-American Treat Huey sa mixed doubles at hinarap si Ana Ivanovic sa women’s singles sa Mall of Asia Arena noong Linggo ng gabi.
Nagbigay siya ng 1-1 win-loss para sa Philippine Mavericks makaraang matalo sa doubles match at manalo sa singles.
Ngunit hindi ito iniisip ng kanyang mga fans na walang tigil sa pagsigaw sa kanyang pangalan sa venue.
“I’m so glad to be here,” sabi ni Williams sa panayam ng media men.
Naglaro na si Williams sa Manila noong nakaraang taon sa IPTL ngunit sa ibang koponan siya kumampanya.
Subalit ngayon ay ginagabayan niya ang Philippine Mavericks na nagtala ng 2-1 record.
Narito siyang muli para manalo sa kanyang mga laro at sa puso ng mga Pinoy fans
“That’s why I’m here again,” wika ni Williams, nakatakdang labanan kagabi si Kurumi Nara ng Japan Warriors at sumabak sa mixed doubles katambal si Milos Raonic.
Ayon kay Serena, hindi niya makakalimutan ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Filipino fans noong nakaraang taon.
“I really had fun last year. I love the crowd here. I’m so excited playing for the Philippine Mavericks. It really feels good to be back here. I’m so glad,” ani Williams.
Sa breaks ng laro noong Linggo ay sumayaw si Williams sa ipinatugtog na musika ng resident DJ ng IPTL.
“I had wonderful reception last year and this year even more. It felt really good,” sabi ni Williams.