MANILA, Philippines – Hindi pa man niya sinisimulan ang kanyang trabaho bilang bagong coach ng Falcons ay nangako na si Franz Pumaren na kapana-panabik na UAAP season para sa Adamson.
“Rest assured, its going to be an exciting Adamson team next season,” wika ni Pumaren kahapon matapos na opisyal na hirangin bilang bagong mentor ng San Marcelino-based team sa susunod na tatlong taon.
Tinulungan ng 51-anyos na si Pumaren ang La Salle Green Archers sa apat na sunod na korona sa UAAP simula noong 1998 hanggang 2001.
Hangad ni Pumaren na maibigay sa Falcons ang titulo.
“We’ll make sure each year it’s going be competitive and I’m not going to be a hypocrite, we’re here to give Adamson a championship,” sabi ni Pumaren, pumalit kay interim coach Mike Fermin.
Naibigay ni Pumaren ang pang-limang UAAP title ng Green Archers noong 2007 bago mag-coach sa PBA.
Makakasama ni Pumaren sa bench ng Falcons sina long-time assistants Tonichi Yturri at Jack Santiago para makatuwang si Fermin, iginiya ang Adamson sa 3-11 record sa katatapos na Season 78.
Makakatulong din ni Pumaren sina dating PBA at La Salle players Ren Ren Ritualo, Jr. at Don Allado.
Huling nagkampeon ang Falcons sa UAAP noong 1977 sa pangunguna ni legendary point guard Hector Calma.