Para makopo ang ika-20 UAAP title Tams maraming isinakripisyo
MANILA, Philippines – Dumaan sa matinding sakripisyo kalakip ang dedikasyon, determinasyon at puso upang matamis na kubrahin ng Far Eastern University ang kanilang ika-20 korona sa University Athletic Association of the Philippines men’s basketball tournament.
Ito ang inihayag ni FEU head coach Nash Racela matapos suwagin ng Tamaraws ang University of Santo Tomas sa kanilang best-of-three championship series.
Tinapos ng Tamaraws ang serye tangan ang 2-1 rekord. Namayani ang FEU sa Game 1 (75-64) at Game 3 (67-62) habang nakuha ng UST ang Game 2 (62-56).
Pinuri ni Racela ang bawat miyembro ng kanyang tropa partikular na ang mga beteranong manlalaro na inuna ang kapakanan ng kanilang koponan bago ang kani-kanilang sarili.
“Marami kaming isinakripisyo bago namin makuha ito. Ilan dito pwedeng maging Most Valuable Player kung gugustuhin nila. Pero hindi yun ang ginawa namin dahil isang team kami rito, isang pamilya,” sambit ni Racela.
Walang manlalaro ng FEU ang pumasok sa Mythical Five dahil balanse ang kanilang atake sa bawat laro na malaking bagay upang maabot ang kanilang kasalukuyang kinalalagyan, ayon kay Racela.
“Hindi nagrereklamo ang mga bata kapag pinaglaro mo ng ilang minuto dahil ang goal namin manalo ng championship hindi ng individual award. Pinag-usapan namin sa team na we try to minimize your minutes para fresh ka or I won’t start you first, si ano muna. And lahat sila nag-submit,” dagdag ni Racela.
Ramdam na ramdam ang pagsisikap ng graduating players na sina Roger Pogoy, Mike Tolomia at Finals Most Valuable Player Mac Belo na tunay na nagbuhos ng buong lakas upang maging engrande ang pagtatapos ng kanilang collegiate basketball career.
“Hindi talaga kami sumuko dahil last year na namin ito kaya talagang ibinigay na namin ang lahat. Malaking tulong yung teamwork namin. Maganda ang samahan namin sa loob at labas ng court,” ani Pogoy.
Sa kabilang banda, hindi ininda ni Belo ang pananakit ng kanyang mga binti kung saan makailang ulit itong bumangon upang tulungan ang Tamaraws sa kanilang importanteng laban.
“Hindi ko na inisip yun (cramps) dahil alam kong kailangan ako ng team kaya laban lang kami,” ani Belo na may average na 17.3 points, 10.7 rebounds at 1.0 block sa serye.
Tiniyak ng FEU na hindi na maulit ang kanilang pagkatalo noong nakaraang taon laban sa National University kung saan wagi rin ang Tamaraws sa Game 1 bago nakabalik sa porma ang Bulldogs para kunin ang Game 2 at 3.
- Latest