MANILA, Philippines – Engrande ang naging pagbabalik ni Alyssa Valdez sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference matapos bitbitin ang kanyang PLDT Home Ultera sa importanteng 16-25, 20-25, 26-24, 29-27, 18-16 panalo laban sa Army sa Game 1 ng best-of-three championship series.
Tunay na napalapit na sa puso ni Valdez ang liga kaya’t nagdesisyon ito na maglaro sa finals hindi lamang para sa kanyang koponan kundi maging sa libu-libong tagahanga nito na ilang linggo ring nag-abang sa kanyang pagbabalik aksiyon.
“I’m home again,” pahayag ni Valdez na nagtala ng 22 attacks sa kabila ng hindi nito paglalaro sa unang set.
Alam ni Valdez na malaki ang naitulong ng Shakey’s V-League upang mahubog ang kanyang kakayahan at makilala ng husto sa mundo ng volleyball. Sa katunayan, si Valdez ang pinakasikat na volleyball player sa bansa kung saan may sari-sariling chapters ang kanyang mga fans mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
“It feels right to always come back to the league that had greatly helped shape the path my volleyball career. My first exposure in the V-League and the succeeding ones greatly sharpened my skills and more than prepared me for what turned out to be my productive ongoing stints with Ateneo in the UAAP,” aniya.
Nagamit ni Valdez ang kanyang karanasang nakuha sa V-League sa UAAP kung saan tinulungan nito ang Ateneo de Manila University na makuha ang dalawang sunod na korona laban sa kanilang mortal na karibal ang De La Salle University.
Si Valdez ang pinangalanang Most Valuable Player at Best Outside Spiker sa Open Conference at Collegiate Conference.
Sa kumperensiyang ito, hindi nakapaglaro si Valdez sa eliminasyon at semifinals dahil nagpasya itong ipahinga ang kanyang back injury na nakuha sa kanyang paglalaro sa UAAP beach volleyball.
Ngunit dumagundong ang malakas na hiyawan mula sa crowd nang lumitaw si Valdez sa Game 1 ng finals noong Sabado kasama sina Ateneo coaches Tai Bundit at Parley Tupaz.
Hindi nabigo ang mga tagahanga nito matapos magpakawala si Valdez ng malulutong na atake at matutulis na service para dalhin ang PLDT sa panalo.
Tiyak na muling aarangkada si Valdez sa Game 2 upang tulungan ang PLDT na mawalis ang serye at maangkin ang inaasam na Grand Slam.