MANILA, Philippines - Dumaan muna sa butas ng karayom ang defending champion Emilio Aguinaldo College bago asintahin ang 21-25, 25-21, 25-20, 23-25, 15-10 panalo laban sa San Beda College kahapon sa pagsisimula ng National Collegiate Athletic Association men’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Muling tumayong lider si reigning Most Valuable Player Howard Mojica nang magpakalat ito ng 31 puntos mula sa 24 attacks, limang aces at dalawang blocks para bitbitin ang General sa 1-0 panimula.
Nagdagdag si Keith Melliza ng 18 puntos habang nagrehistro ng pinagsamang 14 puntos sina Hariel Doguna at Denzel Cedrix Rasing.
Nagulantang ang Generals nang maglatag ng magandang laro ang Red Lions sa pangunguna nina Alfie Mascariñas at Mark Christian Enciso para paabutin ang bakbakan sa fifth set.
Subalit mabilis na tumugon sa pangangailangan si Mojica makaraang magpakawala ito ng matitinding crosscourt kills upang putulan ng pangil ang Red Lions.
Sa ikalawang laro, iginupo ng University of Perpetual Help ang San Sebastian College, 25-19, 25-20, 25-19, para makasama ang EAC sa unahan ng standings.
Sumosyo rin sa liderato ang Arellano University nang kunin nito ang 20-25, 21-25, 25-20, 25-19, 15-12 panalo laban sa Colegio de San Juan de Letran. (CC)