MANILA, Philippines – Muling magbabakbakan ang mahuhusay na tankers sa bansa sa paglarga ng 87th Philippine Swimming League (PSL) National Series - 8th Sen. Nikki Coseteng Swimming Championship na gaganapin sa Disyembre 5 hanggang 6 sa Diliman College swimming pool sa Quezon City.
Ang torneo ay magsisilbing qualifying tournament para sa prestihiyosong World University Games na idaraos sa Taipei, Taiwan sa 2017 gayundin sa malalaking international tournaments na lalahukan ng PSL sa susunod na taon kagaya ng Indian Ocean All-Star Challenge sa Australia, Phuket Invitational Swimming Championship sa Thailand at Hong Kong Stingrays Swimming Meet.
“This competition is open to all. We are opening the doors to everyone who wants to qualify to the Universiade. Competing in this Olympic-like multisporting event is a once in a lifetime experience and we want to share this opportunity to the young ones,” ayon kay PSL president Susan Papa.
Para sa mga nagnanais makakuha ng puwesto sa Universiade, ang isang swimmer ay kinakailangan naka-enrol sa tertiary level (college) at may edad na 17 hanggang 28-anyos.
Gagawaran ng medalya ang tatlong mangunguna sa bawat event, habang bibigyan naman ng tropeo ang mga tatanghaling Most Outstanding Swimmer sa kani-kaniyang age groups.
Magkakamit naman ng tig-P1,500 papremyo kalakip ang President’s Trophy ang dalawang tankers (isa sa babae at isa sa lalaki) na magtatala ng pinakamataas na FINA points.
Para sa mga detalye ay maaring tumawag sa 09328800400 o sa 09267204153.
Ang PSL ay galing sa matagumpay na kampanya sa 2015 Japan Invitational Swimming Championships sa Tokyo kung saan humakot ito ng 19 ginto, 10 pilak at 10 tansong medalya.