FEU tatapusin agad ang Ateneo
Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
3:30 p.m. FEU vs Ateneo (Final Four)
MANILA, Philippines – Dinomina ng Far Eastern University ang Ateneo De Manila University sa kanilang dalawang beses na paghaharap sa elimination round ng 78th UAAP men’s basketball tournament.
Pinatumba ng Tamaraws ang Blue Eagles sa first round, 88-64 at sa second round, 66-61.
Ngunit hindi ito pinagbabasehan ni coach Nash Racela para makapasok ang FEU sa best-of-three championship series.
“It doesn’t matter. It’s always that way. Eliminations games are much different from the playoffs,” wika ni Racela sa muli nilang pakikipagtuos sa Ateneo sa ikatlong pagkakataon ngayong season.
Tangan ang ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four, lalabanan ng No. 2 FEU ang No. 3 Ateneo ngayong alas-3:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nakatakda namang labanan bukas ng No. 1 University of Sto. Tomas, may bitbit na ‘twice-to-beat’ incentive, ang No. 4 at nagdedepensang National University.
Nanggaling ang Tamaraws sa 71-68 pagsibak sa La Salle Green Archers kung saan sila nakabawi buhat sa 12-point deficit sa fourth quarter noong nakaraang Miyerkules.
Nagwakas naman ang five-game winning streak ng Blue Eagles nang matalo sa talsik nang University of the East Red Warriors noong Nobyembre 14.
Bagama’t natalo nang dalawang beses sa FEU ay kumpiyansa pa rin si Ateneo mentor Bo Perasol sa kanilang tsansang makatulak ng ‘do-or-die’ sa Final Four.
“Although we lost to them twice, I think we can match up well with them,” wika ni Perasol. “But it’s not going to be easy. We need to take Game One, that’s the most important thing.”
Sina Mike Tolomia, Mac Belo, Roger Pogoy, Russell Escoto at Raymar Jose ang muling mangunguna para sa Tamaraws laban kina UAAP back-to-back Most Valuable Player Kiefer Ravena, Von Pessumal, Matt Nieto, Aaron Black at Arvin Tolentino ng Eagles.
- Latest