LAS VEGAS, Nevada – Dahil sa ganda ng kanilang inilaro ay maaaring makapasok sina Philippine champions Biboy Rivera at Liza del Rossario sa 24-man cut sa men’s at women’s divisions ng 51st Qubica AMF Bowling World Cup international finals dito sa Sam’s Town, Las Vegas.
Sa kanyang 3459 pinfalls ay naupo si Rivera, dating World FIQ titlist, sa ninth place, samantalang nasa 16th place naman si Del Rosario sa kanyang 3228.
Muling sasabak sa laro sina Rivera at Del Rosario para madetermina ang mga makakasama sa top 24 sa men’s at women’s divisions.
Nagpagulong si Sandra Gongora ng Mexico ng pinakamagandang iskor na 1794 ngunit sapat lamang ito sa ikalawang puwesto sa women’s competition sa kabuuan niyang 3481 o 22 pins ang agwat sa bagong lider na si two-time champion Shannon Pluhowsky ng United States na may 3559.
Pumangatlo si Isabelle Hultin ng Sweden sa kanyang itinalang 3444 kasunod sina Malaysian bet Siti Safiyah Amirah, habang ang nagdedepensang si Carla Guerrero ng Colombia ay nasa pang-lima.
Nahulog naman si overnight leader Aumi Guerra ng Dominican Republic sa 11th spot.
Patuloy ang pamumuno ni Singaporean Muhammad Jaris Goh sa men’s division matapos ang 16 games sa kanyang 1746 para sa kabuuang 3601 total at 16 pins ang kalamangan sa 17-anyos na si Kamron Doyle ng Amerika.