Tigers ‘di na pakakawalan ang bonus vs Falcons
MANILA, Philippines – Matapos makamit ang isang silya sa Final Four ay kukumpletuhin naman ng Tigers ang kanilang misyon.
Puntirya ang ‘twice-to-beat’ incentive, lalabanan ng University of Santo Tomas ang sibak nang Adamson University ngayong alas-2 ng hapon sa 78th UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Tinapos ng UST ang nine-game winning streak ng Far Eastern University sa bisa ng 85-76 panalo.
Kagaya ng kanilang ginawa sa Tamaraws, hangad din ng Tigers na dalawahan ang Falcons na kanilang unang tinalo sa first round, 70-64.
“We respect Adamson and we’ve seen how well they’ve been playing so we’ll go hard (against them),” sabi ni UST coach Bong dela Cruz.
Nanggaling naman ang Falcons sa 74-71 paggupo sa University of the East Red Warriors para sa kanilang ikatlong panalo.
“Since we want to take that twice-to-beat advantage in the Final Four, we have to beat Adamson,” wika ni veteran center Karim Abdul sa pagsagupa ng UST sa Adamson.
Sa ikalawang laro sa alas-4 ay pipilitin naman ng De La Salle University na buhayin ang kanilang pag-asa sa Final Four sa pagharap sa University of the Philippines.
Para makakuha ng playoff seat sa ikaapat at huling upuan sa Final Four ay kailangang talunin ng Green Archers, nasa three-game losing skid, ang Fighting Maroons at ang Tamaraws sa susunod na Miyerkules.
Nanggaling ang La Salle sa 62-73 pagkatalo sa Ateneo noong Linggo.
- Latest