MANILA, Philippines – Malaki ang potensyal ni Jaja Santiago na makapaglaro bilang import sa women’s volleyball sa ibang bansa.
Ito ang sinabi ng isa sa import ng Foton Tornadoes na si Lindsay Stalzer tungkol sa 6-foot-5 rookie na si Santiago.
“For sure, she can play at any different leagues at high level,” wika ni Stalzer, nasa ikalawang taon na naglalaro sa Philippine SuperLiga (PSL). “She’s awesome. She has incredible athletic ability, she has great attitude and work ethic. I really think she has the potential to be the best player here.”
Ito ang unang conference ni Santiago sa PSL at kahit may mga imports na kalaban ay nakakasabay siya sa opensa at depensa para makatulong sa 4-3 karta ng Tornadoes.
Aminado naman si Santiago na pangarap niya na makapaglaro sa ibang bansa bilang import at sisikapin niyang mangyari ito.
“Sino po ba naman ang manlalaro na hindi mangangarap na makapaglaro sa ibang bansa bilang import. Kung iyon ang will ni God, mangyayari po iyan,” pahayag ni Santiago, naglaro sa national team sa 2015 SEA Games.