Laro Bukas (Malolos Sports and Convention Center, Malolos, Bulacan)
1 p.m. Meralco vs Philips Gold
3 p.m. Cignal vs RC Cola-Air Force
MANILA, Philippines – Matinding laro ang nakita sa mga higante ng Foton Tornadoes para kunin ang 25-14, 25-22, 18-25, 25-18 panalo sa Philips Gold Lady Slammers sa pagpapatuloy ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Ang 6’4 na si Jaja Santiago ay mayroong 18 puntos mula sa 11 kills, 4 aces at 3 blocks, pero hindi nagpahuli ang kanilang mga imports na sina Lindsay Stalzer at Kathleen Messing sa kinamadang tig-17 puntos upang maipaghiganti ang pagkatalo sa unang tunggalian.
Dahil nasa kondisyon, hindi naging mahirap para sa setter na si Ivy Perez na patakbuhin ang kanilang opensa upang tumapos siya taglay ang 23 excellent sets.
“Hindi namin inasahan na four sets lang ang laro dahil noong unang naglaban kami ay natalo kami sa five sets. Noong nakuha nila ang third, inalis lang namin ito sa aming isipan at nag-focus sa fourth set,” wika ni Perez na may tatlong aces din para sa apat na puntos sa laro.
Ito na ang ikatlong sunod na panalo ng Tornadoes para magkaroon ngayon ng 4-3 karta sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo at suportado pa ng Mikasa, Mueller at Senoh na napapanood din sa TV5.
Tila handa ang Lady Slammers na paabutin sa fifth set ang bakbakan dahil sila ang nagdodomina sa unang yugto sa fourth set.
Ang hit ni Lindsay Dowd ang nagbigay sa koponan ng 14-13 kalamangan pero gumawa ng soft hit at ace si Stalzer para pangunahan ang 3-0 run upang hawakan na ng tuluyan ng Foton ang kalamangan.
Si Santiago ang siyang kumumpleto sa magandang laro ng Tornadoes sa isang ace na siyang tumapos sa sagupaan.
Natapos ang apat na sunod na panalo ng Philips Gold sa pagkatalong ito pero nananatili sila sa ikatlong puwesto sa 4-2 baraha.
Si Bojana Todorovic ay tumapos ng 14 puntos para pamunuan ang Lady Slammers.