Quiñahan pinunan ang pagkawala ni Lee
MANILA, Philippines – Sa offseason ay walang tigil sa pagpapaganda ng kanyang laro si 6-foot-6 center JR Quiñahan.
Kaya naman nakikita ngayon ang pinaghirapan ng dating University of Visayas star slotman matapos maging instrumento sa dalawang sunod na panalo ng Rain or Shine sa 2015 PBA Philippine Cup.
“Nagtiyaga talaga iyan si JR sa offseason, kaya ngayon nakikita natin ang bunga,” sabi ng kanyang katambal na si 6’6 Beau Belga kay Quiñahan.
Sa 96-87 come-from-behind win ng Elasto Pain-ters laban sa Star Hotshots noong nakaraang Miyerkules ay kumamada si Quiñahan ng team-high na 17 points, 8 rebounds at 4 blocks.
Kumolekta naman ang Cebuano ng 14 points at 5 boards sa 108-94 pagpapatumba ng Rain or Shine sa Mahindra noong Linggo.
Dahil sa kanyang kabayanihan ay hinirang si Quiñahan bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week kung saan niya tinalo ang kakamping si Jericho Cruz.
Sa magandang inilalaro ni Quiñahan ay hindi masyadong nararamdaman ng Elasto Painters ang pagkawala ng may injury na si combo guard Paul Lee.
Nakatakdang labanan ng Rain or Shine ang nagdedepensang San Miguel sa Nov. 4 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
- Latest