FEU papasukin ang semis vs UE

Laro Ngayon

(Smart Araneta Coliseum)

2 p.m. La Salle

vs Adamson

4 p.m.  FEU vs UE

 

MANILA, Philippines – Matapos ang University of Sto. Tomas ay ang Far Eastern University naman ang susubok na mapitas ang unang tiket sa Final Four.

Ngunit hindi ito ang pa­ngunahing iniisip ni coach Nash Racela.

“We’re more concerned in looking for improvements and not thinking about the Final Four,” sabi ni Racela sa pagsagupa ng kanyang Tamaraws sa University of the East Red Warriors ngayong alas-4 ng hapon sa second round ng 78th UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Sa alas-2 ay magtatagpo naman ang La Salle Green Archers at ang sibak nang Adamson Falcons.

Sinosolo ng FEU ang liderato sa kanilang 8-1 kartada kasunod ang UST (8-2), Ateneo De Manila University (6-4), La Salle (5-4), nagdedepensang National University (4-6), University of the East (3-6), University of the Philippines (3-6) at Adamson (1-9).

Nadiskaril ang hangad ng Tigers na masakmal ang unang silya sa Final Four makaraang gibain ng Blue Eagles, 80-74, noong Miyerkules.

Sinikwat ng Tamaraws ang kanilang pang-pitong sunod na panalo matapos talunin ang Fighting Maroons, 68-57, noong Oktubre 14 kung saan nagbida si veteran power forward Mac Belo.

Nanggaling naman ang Red Warriors sa 64-72 pag­yukod sa Green Archers na naglagay sa kanilang tsansa sa Final Four sa alanganin.

Sa unang laro, sisikapin ng La Salle na maduplika ang naturang panalo sa UE sa pagharap sa Adamson, nakalasap ng 79-85 pagkatalo sa NU para sa kanilang pang-siyam na kabiguan.

Hangad ng Green Archers na muling makasosyo ang Blue Eagles sa pangatlong posisyon na magpapatibay sa kanilang pag-asa sa puwesto sa Final Four.

Show comments