TORONTO — Nagtala ang nagbabalik na si Kevin Love ng 6 points at 4 rebounds sa kanyang unang laro matapos ang season-ending shoulder injury sa opening round ng nakaraang playoffs.
Ngunit nanatili pa ring walang panalo ang Cleveland Cavaliers sa preseason matapos makalasap ng 81-87 kabiguan sa Toronto Raptors.
Umiskor si Jonas Valanciunas ng 12 points at kumolekta si Cory Joseph ng 11 points at 6 assists para sa Raptors.
Tumipa naman si guard Mo Williams ng 13 points, habang nagdagdag ng tig-12 sina Matthew Dellavedova at Anderson Varejao sa panig ng Cleveland (0-6).
Hindi naglaro sina LeBron James at Richard Jefferson para sa Cavaliers.
Sa Portland, Oregon, kumamada si Damian Lillard ng 32 points, habang may 26 markers si C.J. McCollum para tulungan ang Trail Blazers sa pagbangon mula sa 21-point, second-half deficit at talunin ang Utah Jazz, 116-111, sa overtime.
Nagsalpak si Lillard, tumipa ng dalawang free throws sa huling 2.8 segundo para itabla ang laro sa 101-101 patungo sa overtime, ng anim na 3-pointers para sa Portland (3-2).
Sa Atlanta, umiskor sina Gerald Green at James Ennis ng tig-19 points para tulungan ang Miami Heat sa 101-92 paggupo sa Hawks.
Nagdagdag si Chris Bosh ng 14 points para sa Heat (3-3) bago iniupo sa second half kasama sina starters Dwyane Wade at Luol Deng.
Sa Oklahoma City, gumawa si Kevin Durant ng 23 points para pamunuan ang Thunder sa 111-98 paggiba sa Denver Nuggets.