Sinibak ang Doha Manila North pasok sa quarters

   Nagdiwang ang miyembro ng Manila North na pinangungunahan ni Calvin Abueva matapos sibakin ang Doha, Qatar sa rubber match at makapasok sa quarterfinals ng 2015 FIBA 3x3 World Tour Final sa Abu Dhabi.  Fiba.com

MANILA, Philippines – Ipinakita nina Calvin Abueva, Vic Manuel, Troy Rosario at Kark Dehesa ng Manila North ang kanilang pusong Pinoy nang makabawi mula sa unang pagkatalo sa opening game para umabante sa quarterfinals ng 2015 FIBA 3x3 World Tour Final sa Abu Dhabi.

Dinaig ng Manila North sa do-or-die game ang Doha ng Qatar, 16-14 para makapasok sa quarters ng torneo.

Ang Doha ang tumalo sa Manila North sa group competition ng nakaraang Manila Masters.

Nauna nang yumukod ang koponan sa Kranj ng Slovenia, 17-21 sa kanilang opening game.

Umiskor si Abueva ng 7 points kontra sa Qatar team para itakda ang kanilang muling pagtutuos ng World No. 1 NoviSad AlWahda, tumalo sa kanila sa gold medal match ng nakaraang Manila Masters, sa quarterfinals.

Nagtulungan sina Dusan Bulut, Dejan Majstorovic, Marko Savic at Marko Zdero, ang highest ranked 3-on-3 players sa mundo, para sa 22-8 paglampaso sa Rio ng Brazil bago isinunod ang Vilnius ng Lithuania, 21-14 sa Group A sa eliminations.

Sa Group D ay nagtala ng magkaka-parehong 1-1 marka ang Manila North, Kranj at Doha.

Pumasok sa quarterfinals ang mga Slovenians at Filipinos nang gamitin ang point system tiebreak.

Nagtala ang Kranj ng 34 points kasunod ang 33 ng Manila North at 30 ng Doha.

Makakasama ng Manila North sa Final Eight ang Kranj, NoviSad, Rio, Denver, Trbovlje, Ljubljana at NY Harlem.

Sasagupain ng Manila North ang NoviSad; lalabanan ng Kranj ang Rio; haharapin ng Trbovlje ang Denver at magtatagpo ang Ljubljana at ang NY Harlem.

Show comments