MANILA, Philippines – Nagtagumpay sina Johnny Arcilla at Francis Casey Alcantara laban sa mga dayuhang hinarap sa 34th Philippine Columbian Associaton (PCA) Open-Cebuana Lhuillier ITF Men’s Futures 2 kahapon sa PCA clay court sa Paco, Manila.
Ang 8-time PCA open champion na si Arcilla ay bumangon mula sa pagkatalo sa first set tungo sa 4-6, 6-3, 6-0 panalo laban sa qualifier ng Chinese Taipei na si Tin Chen habang si Alcantara ay umani ng 6-2, 7-6 (3) straight sets tagumpay kay fifth seed Vinayak Sharma Kaza ng India sa first round.
Mas mabigat na laro ang kanilang haharapin ngayon sa hangaring umabante pa sa palarong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, The Philippine Star, Head, Babolat, Compass/IMOSTI at Sarangani Rep. Manny Pacquiao.
Kapaluan ni Arcilla ang top seed na si Enrique Lopez-Perez ng Spain habang ang Taiwanese na si Liang Wen-chun ang siyang kalaban ni Alcantara. Si Liang ay nanalo kay Ren Nakamura ng Japan, 6-2, 7-5.
Kalaban ni Jeson Patrombon si Kunal Anand ng India habang si Fil-Spaniard Diego Dalisay ay masusukat sa fourth seed na si Arata Onozawa ng Japan.
Nasama naman sa mga nagpahinga na sa panlaban ng bansa sina Elbert Anasta at John Bryan Otico.
Si Anasta ay yumuko kay 6th seed Makoto Ochi ng Japan, 7-6 (6), 6-2, habang si Otico ay napatalsik sa Japanese qualifier na si Soichiro Moritani, 6-2, 6-4.