MANILA, Philippines – Tinapos ng Mapua ang apat na taon na hindi nakakapasok sa semifinals nang patalsikin ang Arellano sa kumbinsidong 93-75 panalo sa 91st NCAA men’s basketball playoff kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang graduating player na si Josan Nimes ay nagtala ng 21 puntos habang ang bagitong import na si Allwell Oraeme ay humablot ng 28 rebounds at may 13 puntos para angkinin ng host Cardinals ang ikaapat at huling puwesto sa Final Four.
May 12 puntos si Nimes sa ikalawang yugto para pasiklabin ang 33-18 palitan upang ibigay sa tropa ang 49-33 bentahe sa halftime at kanilang naprotektahan ito para makarating din si coach Fortunato Co sa post season sa pangatlong taon sa koponan.
Bukod kina Nimes at Oraeme, ay gumana rin ang kamay nina CJ Isit, Darell Menina, Justin Serrano at Mark Brana na may 14, 14, 10 at 10 puntos para angkinin ang karapatan na labanan ang semifinalists na Jose Rizal Heavy Bombers sa Biyernes para sa number three seeding.
Nauwi sa bangungot ang naunang malakas na kampanya ng runner-up noong nakaraang season na Chiefs dahil namaalam sila sa liga.
Samantala, naghatid ng apat na krusyal na puntos si Ola Adeogun matapos ang 78-all iskor para ibigay sa 5-time defending champion San Beda Red Lions ang 83-78 panalo sa Letran Knights sa ikalawang laro.
Ang magandang pasa sa ilalim ni Ryusei Koga para kay Adeogun ang nagsilbing go-ahead basket bago sumablay ang 3-pointer ni Mark Cruz.
Parehong may twice-to-beat advantage sa Final Four ang magkabilang koponan pero ang tagumpay ng San Beda ang nagbigay sa kanila ng number one spot at makakaharap nila ang matatalo sa Cardinals at Bombers sa semis. (AT)