MANILA, Philippines – Pagdating sa second round ay ibang-iba na ang laro ng mga koponan.
Kaya naman ang lahat ng laro ay mahalagang maipanalo.
“Every game is important. Right now we want to focus on the game in front of us,” sabi ni coach Nash Racela sa pagsagupa ng kanyang Far Eastern University sa University of the Philippines ngayong alas-4 ng hapon sa 78th UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Sa unang laro sa alas-2 ng hapon ay magtatagpo naman ang De La Salle University at ang University of the East.
Kasalukuyang magkasosyo sa liderato ang FEU at ang Univesity of Sto. Tomas sa magkatulad nilang 7-1 record kasunod ang La Salle (4-4), Ateneo De Manila University (4-4), nagdedepensang National University (3-5), UE 3-5), UP (3-5) at Adamson University (1-7).
Kinuha ng Tamaraws ang kanilang pang-limang sunod na panalo matapos suwagin ang Blue Eagles, 66-61, noong Linggo.
Bagama’t nanalo sa Ateneo ay hindi pa rin kumbinsido si Racela sa inilaro ng FEU.
“Kailangang i-review ang tapes ng mga laro namin dahil marami pa kaming dapat na gawing improvements,” sabi ni Racela, muling sasandig kina Mike Tolomia, Mac Belo, Raymar Jose, Roger Pogoy at Al Francis Tamsi.
Samantala, pakay naman ng Red Warriors ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa pagharap sa Green Archers.
Tinapos ng UE ang kanilang apat na dikit na pagbulusok nang gibain ang NU, 52-47, habang yumukod ang La Salle sa UST, 79-81.