Laro sa Sabado (Mall of Asia Arena)
2 p.m. UP vs Adamson
4 p.m. NU vs UE
MANILA, Philippines – Patuloy na nagsosyo sa liderato ang Far Eastern University at ang University of Sto. Tomas.
Ito ay matapos takasan ng Tamaraws ang nagdedepensang National University Bulldogs, 61-59, at talunin ng Tigers ang University of the East Red Warriors, 83-76, sa 78th UAAP men’s basketball tournament kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Kapwa inilista ng FEU at UST ang 6-1 record sa itaas ng La Salle (4-3), Ateneo (4-3), NU (3-4), University of the Philippines (2-5), UE (2-6) at Adamson (1-6).
Matapos kunin ng Tamaraws ang 50-40 abante sa pagsisimula ng fourth quarter ay umatake naman ang Bulldogs para itabla ang laro sa 52-52 sa 2:50 minuto nito.
Ang dalawang tres ni Mike Tolomia ang muling naglayo sa FEU sa 58-52 sa huling 1:49 minuto.
Tumapos si Tolomia na may 19 points para sa Tamaraws, tinalo ng Bulldogs sa nakaraang UAAP championship series.
Sa unang laro, kumamada si Ed Daquioag ng 14 sa kanyang career-high na 34 points sa final canto para sa panalo ng Tigers kontra sa bumubulusok na Red Warriors.
Mula sa 11-point deficit sa first half ay nakadikit ang UE sa 71-73 sa huling 1:37 minuto sa fourth quarter.
Ang free throw at salaksak ni Daquioag sa sumunod na dalawang posesyon ng Tigers ang muling naglayo sa kanila sa 76-71 sa natitirang 43.4 segundo.
Umiskor si Paul Varilla ng 25 markers sa panig ng Red Warriors, nahulog sa kanilang ikaapat na sunod na kamalasan.
UST 83 – Daquioag 34, Ferrer 14, Vigil 14, Abdul 9, Sheriff 5, Lee 5, Lao 2, Abdurasad 0, Bonleon 0, Faundo 0, Caunan 0, Garrido 0, Subido 0.
UE 76 – Varilla 25, Javier 12, De Leon 8, Palma 8, Batiller 5, Charcos 5, Sta. Ana 4, Abanto 3, Derige 2, Gagate 2, Manalang 2, Gonzalez 0, Penuela 0, Yu 0.
Quarterscores: 26-12; 44-33; 60-56; 83-76.
FEU 61 – Tolomia 19, Belo 9, Pogoy 7, Ru. Escoto 5, Arong 4, Jose 4, Orizu 4, Tamsi 4, Trinidad 3, Ri. Escoto 2, Comboy 0, Ebona 0, K. Holmqvist 0, S. Holmqvist 0, Iñigo 0.
NU 59 – Aroga 17, Alolino 10, Neypes 10, Alejandro 7, Javelona 4, Morido 4, Abatayo 3, Salim 2, Tansingco 2, Diputado 0, Javillonar 0.
Quarterscores: 13-11; 29-34; 45-40; 61-59. (RC)