MANILA, Philippines - Walang pag-aalinlangan ang ALA Boxing Promotions nang nagdesisyon na gumawa ng boxing event sa US.
Ito ang unang pagkakataon na may ganitong pa-boxing ang ALA katuwang ang ABS-CBN sa US at itinuloy ito matapos ang magandang pagtanggap sa isinagawang laban sa Dubai.
“After the very enthusiastic and encouraging reception we had in Dubai, we knew that the next logical move is to take this to the U.S., particularly in California where Filipinos comprise the largest Asian population,” ani Michael Aldeguer, ang ALA International President at CEO.
Ang ama ni Aldeguer na si Antonio Lopez Aldeguer ang nagpasimula sa kanilang boxing promotions 30 taon na ang nakalipas at hindi minadali ang kanilang pag-akyat dahil paunti-unti ang hakbang na ginawa sa tulong ng kanilang Pinoy Pride series.
Sa Oktubre 17 sa StubHub Center gagawin ang Philippines vs the World at apat sa kanilang ipinagmamalaking boxers ang sasalang sa laban.
Mangunguna sa lalaban ay ang pinakamatagal na kampeon sa boxing na si Donnie “Ahas” Nietes laban kay Juan “Pinky” Alejo ng Mexico sa hawak na WBO World Jr. flyweight title.
Si “Prince” Albert Pagara ay masusukat sa knockout artist ng Nicaragua na si William “Chirizo” Gonzales para sa WBO International Jr. featherweight title; si Mark “Magnifico” Magsayo ay magdedepensa ng IBF Youth featherweight title laban kay Yardley Suarez ng Mexico habang ang kapatid ni Albert na si Jason “El Niño” Pagara ay susukatin si Santos “El Toro” Benavides ng Nicaragua.
Sila ay nagsasanay sa ilalim ni Edito Villamor sa Wild Card Gym na pag-aari ni Freddie Roach.
Ang bakbakan ay itinaon sa selebrasyon ng Filipino American History Month para magkaroon ng dagdag kinang ang makasaysayang event ng ALA at ABS-CBN.