MANILA, Philippines - Lilipad ngayong gabi sina light flyweight Rogen Ladon at welterweight Eumix Felix Marcial patungong Doha, Qatar para sa AIBA World Championships mula Oktubre 6 hanggang 15.
Sina Ladon at Marcial lamang ang panlaban ng Pilipinas sa kompetisyon na magdedetermina ng mga boxers na makakalaro na sa 2016 Rio Olymics.
Ang 19-anyos at dating World champion sa junior division na si Marcial at 21 anyos na si Ladon ay parehong nabigyan na ng go-signal matapos isinagawa ang medical check up kahapon.
“They are both ok,” wika ni Ed Picson, ang ABAP executive director na pangungunahan ang maliit na delegasyon ng Pilipinas.
Para makalaro sa Rio, si Ladon ay dapat na pumasok sa finals dahil ang mangungunang dalawang boksingero sa kanyang dibisyon lamang ang aabante.
Sa kabilang banda, top three ang uusad sa dibisyon ni Marcial kaya’t paglalabanan ito ng dalawang boxers na susuwertehin na papasok sa semifinals.
Hindi biro ang kalidad ng katunggali sa nasabing torneo dahil ang pinakamahuhusay na boksingero sa mundo ang kasali rito.
Sina Ladon at Marcial ay nakapasok nang nanalo ng pilak sa isinagawang Asian Championships sa Bangkok, Thailand.