MANILA, Philippines – Kasado na ang renobasyon sa ibang pasilidad sa Rizal Memorial Sports Complex ngayong nasa alanganin ang usaping pagpapatayo ng makabagong pasilidad sa sports sa Clark, Pampanga.
Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia, hindi sila puwedeng maghintay na lamang ng mahabang panahon bago kumilos dahil ang mga atleta ay nangangailangan din ng pasilidad para mapagsanayan.
Tinuran ni Garcia ang Ninoy Aquino Stadium na bubuhayin uli at ang pagkukumpuni sa bowling center na hindi na nagagamit ngayon.
“Ang plano sa Ninoy Stadium ay maglagay ng flooring na puwedeng tanggalin para hindi masira kung magkakaroon ng pagbaha. Ang bowling center ay itaas natin para hindi abutin ng tubig at daragdagan pa natin ng isang floor dahil plano rito ang maglagay ng air pistol o air rifle shooting range,” wika ni Garcia.
Sa ngayon ay natapos na ang paglalagay ng bubong sa center court ng tennis center para magamit ito kahit may pag-ulan.
Naunang nagplano ang PSC kasama ang POC ng magpatayo ng training center sa Clark pero naudlot ito at natigil ang usapan nang hindi nagkasundo sa babayarang upa sa lupa para sa 50-ektaryang lupain na siyang pagtatayuan sana ng training center. (AT)