Lady Bulldogs palaban na sa Game 2

MANILA, Philippines – Asahan na mas magi­ging palaban ang National University Lady Bulldogs sa Game Two ng Shakey’s V-League Season12 Collegiate Conference Finals sa Linggo sa The Arena sa San Juan City.

Inilampaso ng Ateneo Lady Eagles sa unang pagkikita sa best-of-three finals sa 19-25, 13-25, 23-25, straight sets pagkatalo, babalik ang lakas ng Lady Bulldogs dahil makakasama nila uli ang guest player na si Dindin Manabat.

Wala si Manabat sa Game One dahil nasa Vietnam pa siya at kumakampanya sa Asian Women Club Championship kasama ang Petron Lady Spikers.

Kahit ang pambato ng Ateneo na si Alyssa Valdez ay naniniwalang mas magiging mahirap ang planong panalo ng Lady Eagles para kilalaning kampeon sa conference.

“They are strong team without her (Manabat) and will only get stronger with her back in the fold,” wika ni Valdez, ang MVP ng lliga at naghatid ng 20 puntos sa unang laro.

Hindi na rin makakasama ng Ateneo ang kanilang Thai coach Tai Bundit na nasa Thailand kaya kailangang mag-doble sikap ang mga kasapi ng koponan para hindi mauwi sa sudden death ang best-of-three championship series.

Ang laro ay magsisimula sa ganap na alas-12:45 ng tanghali at kung manalo ang NU, ang ikatlo at huling laro ay gagawin sa Oct. 4. (AT)

Show comments