Silver sa Gilas

Tinangkang supalpalin ng Taipei B player si Jayson Castro ng Gilas sa aksyong ito sa Jones Cup.

TAIPEI – Tuluyan nang inangkin ng Gilas Pilipinas ang second place matapos pabagsakin ang Chinese Taipei B, 96-67, sa pagtatapos ng 2015 Jones Cup kahapon dito sa Xinchuang Gymnasium.

Nagsalpak si Gary David ng game-high na 22 points kasama ang dalawang three-pointers, habang nag-ambag sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo  at Moala Tautuaa ng 15, 12 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod para sa Nationals.

Tumapos na ikalawa sa nagkampeong Iran, sinabi ni coach Tab Baldwin na kuntento siya sa kanilang naging kampanya sa torneo bilang paghahanda sa mas mabigat na 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3.

“With all the circumstances, I’m pleased with the second-place finish. It’s respectable,” wika ni Baldwin. “It’s not really want you want, but we take the most of it. And there are many positives.”

Ginamit ang kanilang eksperyensa, kaagad iniwanan ng Gilas Pilipinas ang Chinese Taipei B sa halftime, 50-32, patungo sa pagtatala ng 30-point lead, 82-52, sa pagsasara ng third period.

Tinapos ng Nationals ang torneo bitbit ang 6-2 kartada sa ilalim ng 7-1 baraha ng mga Iranians.

Ang mga tinalo ng Gilas Pilipinas ay ang Taipei A (77-69), Spartak-Primorye of Russia (85-71), Japan (75-60), Wellington Saints ng New Zealand (92-88) at USA Select-Overtake (78-74). Natalo naman sila sa South Korea (70-82) at Iran (65-74).

Inaasahang muling makakasama ng Nationals si naturalized player Andray Blatche sa kanilang ensayo sa Manila simula sa Miyerkules.

Nakakuha ng pahinga si Calvin Abueva matapos bumagsak sa huling 6:17 minuto  ng laro.

Gilas 96 – David 22, Castro 15, Tautuaa 12, De Ocampo 10, Abueva 8, Intal 7, Ramos 7, Thoss 6, Rosario 6, Ganuelas-Rosser 3, Norwood 0, Taulava 0.

Taipei B 67 – Chien 18, Hsiao 14, Lin 9, Lee 9, Huang 8, Lee 3, Liu2, Lin CW 2, Chen 2, Chou 0, Cheng 0, Chien 0.

Quarterscores: 24-21; 50-32; 82-52; 96-67.

Show comments