ASBC Asian Boxing Championships Marcial, Ladon nakuntento sa silver
BANGKOK – Kapwa yumukod sina light flyweight Rogen Ladon at welterweight Eumir Felix Marcial sa kanilang mga top-seeded rivals sa finals ng ASBC Asian Boxing Championships kahapon dito sa Thammasat University Gymnasium.
Lumasap si Ladon ng 0-2 kabiguan sa mga kamao ni Hasanboy Dusmatov ng Uzbekistan, samantalang nakatikim si Marcial ng 0-3 pagkatalo kay reigning Asian Games champion Daniyar Yeleussinov ng Kazakhstan.
Nakuntento sina Ladon at Marcial sa silver medal.
Sa kabila nito ay lalaban pa rin ang 21-anyos na si Ladon at ang 19-anyos na si Marcial sa AIBA World Championships sa Doha, Qatar sa Oct. 5-15.
Ang Doha event ang magsisilbing qualifier para sa 2016 Rio Olympics.
Nabigo si Filipino flyweight Ian Clark Bautista, nasibak sa quarterfinals, na makapagbulsa ng tiket sa naturang Doha meet dahil hindi siya nakapasok sa top six ng kanyang weight division.
Lumaban nang sabayan ang tubong Zamboanga na si Marcial kay Yeleussinov, beterano ng 2012 London Olympics.
Ngunit mas nangibabaw ang eksperyensa ng Kazakh fighter bagama’t tumanggap siya ng mga suntok ng Filipino.
“There was not a single bout were we lost badly. Everyone fought well but obviously some adjustments need to be made,” sabi ni Association of Boxing Alliances in the Philippines executive director Ed Picson.
“Ladon and Marcial both beat some big guns on the way to the finals. I can’t ask more from them,” dagdag pa nito.
Bago labanan si Dusmatov sa finals ay tinalo muna ni Ladon ang mga karibal niya mula sa Kyrgyzstan, Tajikistan at Mongolia .
Sa opening round pa lamang ay ilang beses nang nakakonekta ng suntok ang 22-anyos na si Dusmatov kay Ladon.
Nauna nang natalo ang Uzbek boxer kay Filipino Mark Anthony Barriga sa quarterfinals ng 2014 Incheon Asian Games.
Sa second round ay nagpilit makabawi si Ladon ngunit sa huli ay mas pinaboran ng mga judes si Dusmatov.
“Hindi ko nakikita yung hook niya. Mabilis. Pero ilang beses din niya ako inulo,” wika ni Ladon. (AC)
- Latest