Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. UE vs UP
4 p.m. UST vs Adamson
MANILA, Philippines - Kaagad mag-uunahan ang apat na koponan sa paghapit ng unang panalo sa pagbubukas ng 78th UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Magtatapat ang University of the East at ang University of the Philippines sa alas-2 ng hapon matapos ang opening ceremony sa alas-12 ng tanghali, habang maglalaban sa alas-4 ng hapon ang University of Sto. Tomas at ang Adamson University.
Ang Red Warriors, Fighting Maroons, Tigers at Falcons ay nabigong makapasok sa Final Four noong nakaraang season.
Ipaparada ni coach Derrick Pumaren ang kanyang “all-Filipino” team na UE na may edad 17 hanggang 18-anyos.
Aasahan ng Red Warriors sina Paul Varilla, Chris Javier, RR De Leon at Renz Palma dahil sa pagkawala nina Roi Sumang, Dan Alberto at imports Charles Mammie at Mustafa Arafat.
Itatapat naman ng UP ni mentor Rensy Bajar sina Jett Manuel, Dave Moralde, Paul Desiderio, Henry Asilum at JR Gallarza bukod sa mga bagitong sina Pio Longa, Janjan Jaboneta, Noah Webb at import Cheick Kone.
Para naman matulungan ang kanilang mga big men, kasama si Karim Abdul, sa UST ay kinuha ni coach Bong dela Cruz si four-time PBA Most Valuable Player Alvin Patrimonio na assistant coach.
Bukod kay Abdul, muli ring ipaparada ng Tigers sina Kevin Ferrer, Ed Daquioag, Kent Lao at Louie Vigil katuwang sina rookies Mario Bonleon at Zachy Huang.
May siyam na rookies naman ang Adamson ni coach Mike Fermin.