BANGKOK – Masakit man ang mukha dahil sa mga nakaraang laban, hindi pa rin ito nakapigil kay welterweight Eumir Felix Marcial para umabante sa final round ng ASBC Asian Boxing Championships.
Ginamit ang kanyang left straight, tinalo ni Marcial si Suzuk Yasuhiro ng Japan, 2-1 sa kanilang semifinals match kagabi dito sa Thammasat University Gymnasium.
“Masakit na talaga kahit jab lang ang tumatama. Pero tiniis ko na lang at pinilit kong sumuntok nang sumuntok,” ani Marcial, ang gold medalist sa 2011 World Junior Championships.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng 19-anyos na si Marcial at makakasagupa si top seed Daniyar Yeleussinov ng Kazakhstan para sa final round.
Anuman ang maging resulta sa finals ay may tiket na si Marcial sa AIBA World Championships na nakatakda sa Oktubre 5-15 sa Doha, Qatar na siyang qualifying event para sa 2016 Rio Olympics.
“Patay na kung patay,” sabi ng tubong Zamboanga na si Marcial matapos ang kanyang panalo sa 28-anyos na Japanese veteran na lumahok sa 2012 London Olympics.
Nakuha ni Marcial ang mga puntos ng tatlong judges mula sa Morocco at Finland, ngunit pumabor naman ang judge buhat sa Russia kay Yasuhiro.
Kasalukuyan pang nilalabanan kagabi ni light flyweight Rogen Ladon si Gab-Erdene Gankhuyag ng Mongolia sa isa pang semis match.
“Ituloy lang niya ang kilos niya sa loob ng ring kaya natin ang Mongolian,” ani head coach Pat Gaspi.