MANILA, Philippines - Asahan na magiging maaksyon ang gaganaping 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Event na magsisimula na sa Setyembre 17 sa PCA Open clay courts sa Paco, Manila.
Bukod sa naglalakihang premyo na nakataya sa kompetisyon, gagamitin din ang torneo bilang isang qualifying event para sa 2015 Manila International Tennis Federation (ITF) Men’s Futures Leg 2 na paglalabanan mula Oktubre 12 hanggang 18 sa nasabing venue.
“We are very excited since this will be the first time that PCA will host an ITF event. We expect 46 world ranked netters to see action in the Futures,” wika ni Raul Diaz na siyang pinuno ng organizing committee.
Ang finalists sa men’s singles at ang tatanghaling kampeon sa doubles ay makakakuha ng puwesto sa singles at doubles main draw sa Futures na sinahugan ng $15,000 gantimpala.
Ang mga matatalo sa semifinals at quarterfinals sa singles ay papasok naman sa qualifying leg ng ITF event.
Gagawin ang aksyon sa PCA Open hanggang Setyembre 28 at ang mga inaasahang sasali ay sina PCA Open champion Patrick John Tierro, Francis Casey Alcantara, Johnny Arcilla, Alberto Lim Jr, Marc Reyes at Jeson Patrombon.