Laro Bukas (The Arena, San Juan City)
1 p.m. La Salle vs EAC
3 p.m. UP vs NCBA
MANILA, Philippines – Kinumpleto ng Ateneo Eagles ang magandang ipinakikita sa Spikers’ Turf Collegiate Conference quarterfinals sa 25-16, 25-20, 25-17 panalo sa National University Bulldogs kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tig-isang manlalaro lamang sa Eagles at Bulldogs ang nasa double-digits ngunit nakitaan ng mas magandang pagtutulungan ang Ateneo para kunin ang 7-0 sweep sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Si Marck Espejo ay mayroong 12 attack points habang walong iba pa ang pumuntos. Si Rex Intal ay mayroong 7 kills para bigyan ang Eagles ng 37-29 bentahe sa attacks habang sina Anthony Paul Koyfman at Joshua Vilanueva ay may tig-dalawang aces para sa 6-3 kalamangan.
Tumapos ang NU sa ikalawang puwesto sa 6-1 karta at si Bryan Bagunas ay mayroong 14 puntos mula sa 13 kills at isang block.
May 28 errors pa ang Bulldogs na makakatapat ang papangatlong koponan sa pagtatapos ng yugto sa best-of-three semifinals.
Binigyan ng St. Benilde ng magandang pagtatapos ang pamamaalam sa liga sa kinuhang 17-25,25-22, 14-25, 25-23, 17-15 panalo laban sa FEU sa unang laro.
Nagpakawala ng 21 kills, 4 blocks at 3 aces si Johnvic De Guzman para sa 28 puntos ngunit sa huli ay sina Racmade Etrone at Mark Jethro Orian ang mga kumana ng huling dalawang puntos para wakasan ng NCAA runner-up sa 2014 ang kampanya sa 2-5 baraha.
Ibinigay ni Etrone ang match point sa Blazers mula sa off-the-block spike bago ibinigay ni Orian ang panalo sa isang quick play.
Dikitan ang fifth set at hinawakan ng Blazers ang double match point,14-12 sa kill ni De Guzman.
Ngunit magkasunod na block ang ginawa ng Tamaraws kina De Guzman at Orian para sa tatlong sunod na puntos tungo sa 15-14 bentahe.
May 24 puntos si Greg Dolor para pangunahan ang apat na Tamaraws na nasa double-digits pero kinapos ang koponan para wakasan ang kampanya sa 1-6 baraha. (AT)